Walang katumbas na kahit anumang bagay ang pagiging matulungin sa kapwa lalo na kung bukal sa kalooban ang pagtulong. Maliit na bagay man ito o malaki, kabayanihan parin ang dala nito at tunay na nakakataba ng puso kapag alam mong makakasalba ka ng kapwa sa mahirap na sitwasyon.
Marami na tayong napakinggan o nabasang mga kwento ng kabayanihan na talaga namang magpapabilib at magbibigay ng inspirasyon sa bawat isa upang tularan. At kamakailan lamang isang buko juice vendor ang nag lakas-loob na tumulong sa pag-apula ng nasusunog na tricycle sa lugar ng Binangonan, Rizal.
Ayon sa buko vendor na si Larry Lasac, 54 taong gulang, nakitang niyang may nag-aapoy na tricycle sa Barangay Pantok at nahihirapan ang driver na apulahin ito.
"Nakita kong nahihirapan ang tricycle driver na patayin ang apoy kaya naman naisipan kong ibuhos sa nag-aapoy na tricycle ang paninda kong buko juice," kwento ni Larry. Lingid sa kanyang kaalaman na may saksi na kumuha ng video sa pangyayari at sa kabayanihan niyang ginawa.
"Sa tingin ko po, gagawin din naman 'yun ng ibang tao kung sila man ang makaka-engkwentro ng ganung sitwasyon", dagdag pa niya.
Hindi na naisip ni Larry ang halaga ng pera na dapat na kanyang kikitain mula sa paninda niyang buko dahil ang tanging naisip at naging aksyon aksyon niya agad noong mga oras na iyon ay ang tumulong sa kapwa.
Nabanggit rin ni Larry na matagal na siyang nagbebenta ng buko juice at french fries at umaabot umano ng 800-1000 piso ang kanyng kinikita araw-araw. At simula ng nagkaroon ng pandemya ay naging matumal ito.
Dahil sa naging viral ang kabayanihang ginawa ni Larry, pinangaralan siya ni Mayor Cesar Ynares, Mayor ng Binangonan, at binigyan rin ng Certificate of Recognition ng local na pamahalaan.
Nangako ang Mayor na tutulungan makahanap ng trabaho upang makapagbigay ng tulong sa kanyang pamilya kaya't pinagpasa sya ng Bio Data sa munisipyo.
Tunay ngang maganda ang balik kapag maganda rin ang iyong binigay.
Post a Comment